Ang kusina at dining table, na nakaranas ng hindi lamang iba’t ibang kainan kundi madaming masasayang bagay. Ang shelf na parang sari-sari store dahil laging puno ng mga de lata at pagkain. Ang blender na gumawa ng mga magic concoctions, at ang "one-cup" coffeemaker. Ang isang shelf na puno ng mga litrato at mga bote na may ibang ibang disenyo ng buhangin mula sa Boracay, litrato ng mga magagandang alaala at mga bote na gawa ng mahahalagang tao.
Ang tunay na sala na may refrigerator. Ref na puro litrato pa din ang pinto, ang pinanggalingan ng mga eksperimentong mga luto, ang ugat ng samahang hindi ka magugutom kahit minsan. Noong una’y may kama ang sala pero naging tirahan ng mga bugoy. May malaking bintana na tanging paraan para makita mo ang magulong mundo sa labas at maisip na ligtas ka na sa loob.
Nang umalis ang bestfriend ko, naging bahagi ng buhay ko ang malaking kwarto at napakagandang banyo na gusto kong palaging malinis. Ang paboritong kutchon ni iko na gustung-gusto nyang gulungan at gapangan. Itong kwartong ito ang nagpatulog sa akin sa mga malalamig na gabi at madalas, kasama ko ito sa mga tuwa at saya ng puso ko.
Masakit sa kalooban kong umalis ngunit kailangan. Sa aking paglisan sa BR, kasama ko ang lahat ng alaala sa loob nito, bawat sulok, bawat kwarto. At kahit na magkakaroon na ako ng bagong apartment, hindi ko makakalimutan ang BR, dahil naging malaking parte ito ng buhay ko.
No comments:
Post a Comment