Ang araw ng kasal ng bestfriend ko. Matapos ang isang taong paghahanda at preparasyon, sa araw na ito na magaganap ang lahat. Maaga ako pumunta sa hotel para tumulong sa mga kailangan pang gawin sa araw na yon. Napakaganda nya. Kahit na nakangiti at kalmado ang itsura ng mga tao doon, ay alam ko pa ding excited at kinakabahan sila. Bakit? Kasi ako, naramdaman ko ang kabog ng dibdib ko pagpasok sa hotel.
Sinubukan kong ilagay ang presentation na ginawa ko sa laptop nila. Pagtingin ko, 2007 beta version ang software na gamit nila. Sinubukan ko patakbuhin ngunit sa kasamaang palad, hindi sakto ang tugtog sa mga slides na ginawa ko. Sinubukan kong i-edit at ayusin pero nararamdaman kong hindi na ako aabot sa tamang oras. Alas-singko na, hindi pa ako bihis at wala pa akong make-up o kung anuman man, kaya naisip ko, bahala na. Inayusan na ako, nagpunta na sa simbahan.
Naglakad sya sa gitna ng simbahan na may napakagandang ngiti at tuwa sa kanyang mga mata. Para bang tagos hanggang sa puso ang kasiyahang nararamdaman nya. Sa ilang taong nakilala ko sya, ngayon ko lang nakita ang ngiting iyon at dahil dito, lalo pa ako naging kuntento at sigurado.
Ang vows. Nasa akin ang vows at nilagay ko sa upuan nila. Pero hindi ko nasabi sa kanya. Baka hinahanap nya, baka natataranta sya. Buti na lang ang role ko ay may karapatang tumayo at lumapit sa kanya kahit anong parte ng seremonya. Kaya’t lumapit ako, kunyari inayos ang belo sya at binulong, “Ang vows mo, nakita mo na?” At andun na naman. Tinignan nya lang ako at binigyan ng ngiting iyon.
Maliit lang ang simbahan kaya’t punung puno ito ng mga tao. Nagpalitan na sila ng vows. Kinantahan nya siya. Naiyak ako. Sinabi nya ang vows nya, mas lalo akong naiyak. At pagtingin ko sa mga tao, napakarami sa kanila ang naluha at naiyak sa pagpapalitan nila ng mga pangako sa isa’t isa.
“You may kiss the bride.” Napuno ang kalahati ng simbahang ng tinawag na mga pamilya para sa pagkuha ng litrato.
Sumunod na ang reception. Mabuti na lang at andon ang magaganda kong mga kapatid, bukod sa pagiging coordinator, sila pa ang sumalo ng mga trabaho ko dahil muli ko nang ginawa ang presentation. Sinubukan kong ayusin pa ng onti ngunit malapit nang matapos ang programa kaya’t naisip ko, “Bahala na si batman!” Tumayo at nagsalita na sa harapan. Nagpaliwanag pa ako ng madami sa mga tao at saka na nagsimula ang presentation ko.
Part 1. Nagulat sila dahil hindi nila alam kung saan ko kinuha ang mga laman non. Ngunit, natapos na ang kanta pero meron pang anim na slides na hindi pa tapos. Part 2. Sa isang mahalagang parte, tumigil ang slide at ayaw na tumuloy, tumakbo ako sa laptop, pero wala na akong nagawa kaya naputol at parteng ito. Kaya’t tumakbo na ako pabalik sa kanilang dalawa, lumuhod sa harap nila at sabay nag-sorry at itinago ko ang mukha ko sa harap nilang dalawa. Part 3. Hindi na ako umalis sa pwesto ko. Pinagdasal ko na lang na sana, wala nang kapalpakan pa dito. Sa kalagitnaan nito, naiyak sya at nagalit sakin dahil pinaiyak ko daw sya. At sa puntong ito, hindi ko alam kung umiiyak ako dahil palpak ang ginawa ko, o dahil na din sa naiiyak sya. Sa palagay ko, naiyak na ako dahil naramdaman ko ang hawak nilang dalawa sa akin. Ang mahigpit nilang hawak sa aking mga kamay, sa aking braso at dito, napawi na ang mga alala ko.
Natapos na. Nag-uwian na ang mga tao. Nagpaalam na ako, niyakap nila ako ng mahigpit at nagpasalamat. Isang masayang araw. Isang magandang simula.
Monday, December 18, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment