Matagal ko na ginawa ang blog na ito pero naisip kong dapat sa unang beses na magpopost ako dito ay may ikwekwento talaga ako. Medyo umaasa akong magandang kwento sana ito, pero sa kasamaang palad, hindi masyado.
Matagal na pinaghandaan ang pagdating ng December 8 para sa mga tao dito sa pinagtratrabahunan ko. Dahil ito ang araw ng Christmas party namin. Taon - taon, inaabangan at pinaghahandaan ang palabas ng mga grupo. Wala akong balak pumunta dito at wala din akong balak na sumali sa pagtatanghal. Ngunit sa unang araw ng meeting, ako ang naatasang gumawa ng script. Naisip ko, mas mabuti na sigurong gumawa ng script kesa naman sumayaw o kumanta sa harap ng tao. Ilang linggo ng ensayo, pahirap magtawag ng mga tao, pag-aayos ng script at kanta, pag-tuturo ng choreography at kung ano ano pa.
Sa gabing iyon, natapos ang pagtatanghal. At hindi man first place, nanalo pa din ang grupo namin. Ako ang tumanggap ng pera. Naisip ko lang, "hay salamat, natapos na din." at nilagay ang premyo sa bag ko.
Kakaiba ang araw na ito para sa akin. Hindi ako sigurado kung sasama ba ako sa tinatawag kong "barkada" ko dati na hindi ko na barkada ngayon dahil sa isang pagtatalo. Ito ang unang pagkakataon na pwede kaming magsama-sama ulit. Nung una'y nagdadalawang isip pero sa kalagitnaan ng gabi, tinawag ko na si Kuting at sumama sa grupo. Kakaiba ang pakiramdam pero hindi ko na lang pinaka-isipan. Kumuha ng litrato ang grupo. Onting kwentuhan, onti saya dahil sa pag-aalinlangan.
Nag-uwian. Tinanong ko si Kuting kung masaya ba sya. Oo naman daw. Pagdating ko sa bahay, wala ang envelope ng premyo sa palabas. Naghanap ako, nataranta. Pero wala. Ilang araw kong dinala ito at umaasang mababawasan ang bigat ng pakiramdam sa pagpasok ko.
Pero hindi. Ngayon, lalong bumigat. Ngayon ko napatunayan na ang barkada noon ay wala na nga ngayon. Nasa litrato kasama ng grupo ang envelope ng premyo. Kasama ng nawalang premyo ang nawalang pagkakaibigan, nawalang samahan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment