Umaga
Ama: Huwag na kayong pumunta dito dahil baha na papasok.
Anak: Ok, mamaya na lang tayo lumabas, kapag tumigil na ang ulan.
Tanghali
Anak: Kamusta ka na dyan? Malakas pa din ang ulan dito.
Ama: Papasok na ang tubig sa loob ng bahay.
Anak: Ok ka lang ba dyan? Ayaw mo bang umalis, magpasundo?
Ama: Hindi na. Dito lang ako.
Hapon
Anak: Baha na sa labas. Papasok na din yata ang tubig sa loob.
Ama: Dito may tubig na, hanggang tuhod.
Anak: May pagkain ka ba? Ayaw mo pa ding umalis dyan?
Ama: Oo, meron. Hindi ako aalis dito.
Gabi
Ama: Nandito na ako sa simbahan. Lagpas bewang na ang tubig sa loob. Hindi ko na narinig si Sam at Caloy na tumahol.
Anak: May mga kasama ka dyan?
Ama: Oo, may mga tao naman dito.
Anak: Yung paa mo, yung mga sugat mo.
Ama: Hindi, ok lang.
Anak: Kumain ka?
Ama: Oo.
Anak: Pa, sorry mag-isa ka dyan ngayon. Birthday mo pa naman, wala kami. Hindi ka naman namin mapuntahan kahit na gustung-gusto namin.
Ama: Ok lang ako.
Alas tres
Ama: Andito na ako sa bahay. Wala nang tubig sa loob. Madumi at maputik lang.
Anak: Mabuti.
Ama: Si Sam buhay, si Caloy wala na. Si Justin, hindi ko pa nakita.
Anak: May higaan ka?
Ama: Pwede na sa kama ko.
Anak: O sige, magpahinga ka na. Punta kami dyan agad pag-umaga.
Ama: Ok.
Simula noong bata ako, hindi naman kami masyado nag-uusap. Madalas, isang tanong isang sagot lang. Kahit nga madikit lang ang dulo ng daliri ko sa kanya, parang hindi ko matandaang nangyari. Pero ito na marahil ang pinakamahaba at pinakamatagal na pag-uusap namin, kahit na sa text lang. Andoon pa din ang mga isang linyang sagot at tanong, at ang pag-aalinlangan ng pagpapakita ng tunay na nararamdaman. Pero pinilit pa rin naming iparating ang pag-alala namin para sa kanya. At tingin ko, pinilit din niyang ibsan ang takot sa amin.
Iniisip ko kung bakit hindi siya nagpasundo nung umaga, o ba’t hindi siya lumisan nung tanghali pa lang o kung bakit hanggang kaya pa niya, hindi niya ito iiwan. Hangggang sa huling minuto ay hindi niya inalisan ang bahay na yon. At hindi siya lumayo, at binalikan pa ito kaagad. May puntong naiinis na kami dahil gamit lang naman ang andon at mas mahalaga ang kanyang kaligtasan. Nito na lang sumagi sa isip ko ang dahilan. Hindi lang tatlong aso ang kasama niya. Hindi siya mag-isa ng birthday niya. Ayaw niyang umalis sa bahay dahil ang bahay na iyon ang tanging lugar na may pinakamaraming alaala ni mommy. Kaya’t alam niyang ligtas siya don, hindi siya nag-iisa. Kasama niya si mommy.
At naintindihan ko na.
Saturday, September 26, 2009
Subscribe to:
Posts (Atom)