Sanggol pa lang sila, paborito ko na silang i-babysit sa bahay nila sa Palmera. Saksi pa rin ako sa pagkamulat nila sa mundo. Lumipat man sila sa mas malayong bahay at bagama’t nagkikita na lang kami kapag may okasyon, hindi na magbabago: sila pa rin ang mga paborito kong pinsan.
Una ay si Paolo, malambing at maaalalahanin. Pipiliin nya ang pinakamurang laruan at sasabihing, “Ate Eunice, pwede na ba ito?,” para regalo sa kanya sa Pasko. Ngayon, malaki na siya, hindi na ang chubby pinsan na kaboses ni Winnie the Pooh. Binata na sya. Dati tatawag pa sakin yun para itanong kung paano magdrawing sa paint sa computer. Pero ngayon, alam na alam na nyang gamitin ang teknolohiya. Masaya ako dahil hindi naging hadlang ang bihirang pagkikita namin sa pagbabahagi niya ng buhay niya ngayon, pati mga tinatagong sikreto.
Si Pauline, ang magandang ate na sadyang napakabait. Noong bata pa siya, iniintay namin palagi ang Biyernes, dahil sa bahay namin sila matutulog. Pagdating nila, mayroon siyang mga sulat na may drawing na ibibigay sa amin, kahit wala namang okasyon. Tabi-tabi kami sa kutson sa sala at manood ng mga Disney movies at andyan ang mga walang katapusang mga tanong na bakit, saan, paano. Kikay na siya noon pa man, pero bagay na bagay naman sa kanya dahil lumaki namang siyang napakagandang dalaga. Tatlo na ang mas batang kapatid niya at ateng-ate na rin siya. Kanino kaya niya namana ang pagiging mabait na ate?
At si Paulette. Ang manlolokong pinsan. Ibubulong niya sakin na ako ang paborito niya pero huwag ko daw sabihin sa mga kapatid ko, pero pupunta din siya sa mga kapatid ko at ibubulong din iyon. Malamang hindi lang talaga niya gustong aminin kung sino ang paborito niya kasi ayaw niyang masaktan ang isa sa amin. Wala atang panahon na naging chubby siya, dahil weight-conscious na siya bata pa lang. Noong una’y mahiyain. Pero di nagtagal, nagustuhan na rin niya ang pagpunta sa amin dahil nagpupugupit siya ng bangs kay Tita Rose.
Sa pinakahuling pagkikita at pagsasama sama namin, ang sarap balikan ng mga alaala noong sila’y bata pa. Malalaki na sila ngayon at hangad ko ang lahat ng kabutihan para sa bawat isa sa kanila. At sana alam nila na, “Always Ate Eunice” ako para sa kanila, mga paborito kong pinsan.
Thursday, April 19, 2007
Subscribe to:
Posts (Atom)